39

Sep 14, 2021 @ 15:39
By

Duterte ayaw tigilan si Dick: Gordon wala ng kredibilidad

Basang-basa na umano ang kredibilidad ni Senador Dick Gordon sa publiko dahil sa pakikipag-alyansa sa mga kriminal para mahanapan ng butas ang Duterte administration.

Sa kanyang Talk to the People, muling binakbakan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang senador at nawasak na umano ang kredibilidad nito sa pagpupumilit na iugnay ito sa pinag-iinitang mga personalidad gaya ni Michael Yang kaya pinalutang sa Senado ang nasibak na pulis na si Eduardo Acierto.

Sinabi ng Pangulo na nakapagtatakang nakikinig at naniniwala si Gordon sa isang dati pulis na kuwestiyonable ang karakter at dinismis sa serbisyo dahil sa mga kaso at kasalanan sa batas.

Ang mga senador aniya ang nagrekomendang kasuhan si Acierto kasama ang isa pang pulis at ngayon ay ginagamit sa administrasyon.

“Tingnan mo itong utak ni Gordon pati yung Senado mismo. They recommended the indictment of these persons, itong si Fajardo at Acierto and yet now, because it’s convenient for them, yung desperate move nila, calling persons na kriminal, ginagamit nila ngayon,” anang Pangulo.

Nahihirapan ngayon aniya si Gordon kung paano makalabas sa pinalaking isyu dahil walang napatunayan sa DOH ay isyu naman ng droga ang tinutumbok gamit ang mga huwad na saksi.

“Gordon now is in a bind paano siya lalabas nito because I will say it publicly: Gordon has forever lost his credibility in cahoots with criminals and yung fabricated stories,” dagdag ng Pangulo.

Hindi naitago ng Presidente ang galit kay Acierto dahil ito aniya ang nagpalusot ng mga matataas na kalibre ng baril at ibinenta sa kilusang komunista at nakapatay ng maraming sundalo, bukod pa sa mga bintang na pagdukot ng mga Chinese at kapag makuhaan ng salapi ay pinapatay aniya ang mga biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?