25

Dec 29, 2020 @ 12:43
By

Duterte ayaw ng away sa Kongreso

Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya nakikipag-away sa Kongreso kahit pa pinangalanan niya sa publiko ang ilang mambabatas na iniuugnay sa mga kuwestiyonableng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa kanyang regular na mensahe sa bayan, agad nilinaw ng Pangulo na wala siyang away sa Kongreso bagkus ay ginawa lamang ang tungkulin sa bayan na iparating sa publiko ang korapsiyon sa gobyerno.

Kinikilala aniya ng Presidente ang pagiging independent ng bawat sangay ng gobyerno subalit kailangang ilabas niya ang mga impormasyong dapat malaman ng mga Pilipino.

“To the members of Congress, I do not want a quarrel with you. We are independent of each other and this is not really my work. I would like to avoid a bad blood with you but I said I will let the public know who are the corrupt,” anang Pangulo.

Nainis na aniya siya sa korapsiyon sa gobyerno at kung hindi bubulabugin ang mga ito ay walang mangyayari sa bansa.

Sinabi ni Duterte na mayroong punto si Congressman Mike Defensor na dapat pangalanan ang mga mambabatas na sangkot sa anomalya sa mga government projects dahil balewala ang imbestigasyon ng Presidetial Anti-Corruption Commission (PACC) kung hindi isapubliko ang pagkakilanlan sa mga ito.

“Tama yung sinabi ni Mike Defensor, pina-submit tapos ayaw basahin, so which is also correct. The right to information– to access to information applies to any government agency irrespective of the department. It is my sworn duty to do it,” dagdag niya.

Wika pa ng Presidente sa mga pinangalanang mambabatas, hindi nito layon na siraan ang mga ito at dapat aniyang tingnan ng mga ito ang posibilidad na may gumagamit sa kanilang mga pangalan sa paggawa ng katiwalian. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?