136

Aug 1, 2018 @ 18:26
By

Duterte aprub sa anti-dynasty law

Kinatigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga naunang pahayag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na hindi ito tatakbo sa national level.

Sa kanyang talumpati kagabi sa anibersaryo ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Security Council sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na kilala niya ang kanyang anak at kapag sinabing hindi tatakbo ay pangangatawanan niya ito.

Mayroon aniyang isang salita ang alkalde ng Davao kaya naniniwala ang Presidente na hindi papalaot sa national level ang kanyang anak.

Kasabay nito, sinabi ni Pangulong Duterte na pabor siya sa anti-dynasty law at wala aniyang magiging problema ito sa kanya.

“So ako, by the way, I am in favor of putting up a — anti- dynasty law. Okay ako, wala akong problema. Ang anak ko, si Inday, I can tell you I know her. Hindi magtatakbo ‘yan ng national. Ganun lang ‘yan,” anang Pangulo.

Matatandaang sa inilabas na survey ng Pulse Asia ay nasa ikatlo hanggang ikalimang puwesto ang alkalde para sa pagka-senador.

Pero nagsalita na rin ang alkalde na wala siyang ambisyong maging senadora at ang pupuwede aniya nitong takbuhan ay congressional o tumakbo muli sa pagka-alkalde. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?