58

Oct 29, 2020 @ 12:49
By

Duterte aprub imbestigahan nangmaltratong ambassador

Pinaiimbestigahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro kaugnay sa pagmaltrato sa kanyang kasambahay sa Brazil.

Ito ang kinumpirma ni Senador Bong Go matapos makarating sa Presidente ang sumbong sa ginawa ni Mauro kaya nagbigay ito ng go signal sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay Go, mahigpit na pinapahalagahan ni Pangulong Duterte ang proteksiyon at pagsusulong sa karapatan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa abroad kaya dapat ay ipinatutupad at sinusunod ito ng mga ambassador ng bansa.

“The President has always been firm — the protection and promotion of the rights, welfare and well-being of Filipinos overseas is a paramount responsibility of our government. Our ambassadors are duty-bound to carry out this mandate, no questions asked,” ani Go.

Ang impartial investigation ay gagawin ng DFA alinsunod sa Foreign Service Act of 1991.

Kinumpirma naman ni Presidential Spokesman Harry Roque ang go signal ni Pangulong Duterte para imbestigahan si Mauro dahil bilang presidential appointee, kinakailangan ang permiso ng Pangulo.

“Pinayagan na po ni Pangulong Duterte ang DFA na imbestigahan ang dating Philippine Ambassador to Brazil na si Marichu Mauro. Bilang isang presidential appointee, kinakailangan ang pagpayag ng Presidente bago maimbestigahan ang dating ambassador,” ani Roque.(Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?