46

Oct 11, 2017 @ 7:39

Duterte: Alerto sa banta ng North Korea

Pinaalalahan ni Pangulong Rodrigo ang mga bansa sa Asya na maging alerto kaugnay sa banta ng North Korea.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos bisitahin ang Her Majesty Australian Ship (HMAS) Adelaide na nakadaong sa Manila South Harbor kahapon .

Sa kanyang maikling mensahe sa mga bisitang opisyal ng Australia, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi birong pinsala sa buhay at ari-arian sakaling sumiklab sa giyera ang tensiyon sa Korean Peninsula kayat dapat na maging alerto sa mga kilos ni North Korean leader Kim Jong Un.

Mainam na aniyang maging mapagmatyag at mas pagtibayin ang alyansa sa pagitan ng mga bansa sa buong mundo dahil walang nakakaalam kung ano ang naiisip ng utak-kriminal na lider na mahilig sa mga mapaminsalang armas.

“It’s good to raise our awareness actually now. And it would be also to our advantage if you just go around showing solidarity with the rest of the world. Not only because we face so many challenges and threats, but the small guy there in North Korea is playing with dangerous weapons. And I hope it would not deteriorate into something violent, but you can never know what’s in the criminal mind,” pahayag ni Duterte.

Bago umalis ang Presidente ay nagbiro pa ito sa Australian Navy officials na kung may balak na i-decommission ang HAMAS Adelaide ay maaari na nilang iwan sa bansa at bibigyan na lamang ang mga ito ng ticket pabalik sa Australia.

Ang HMAS Adelaide ang isa sa pinakamoderno at sopistikadong helicopter landing ship ng Australia at ang pagdaong sa bansa ay bahagi ng “goodwill visit’ na naunang ginawa sa Indonesia. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?