57

Oct 26, 2017 @ 14:49

Duterte administration, nanlilihis ng isyu – LP

Ginagamit lamang ng administrasyon ang mga alegasyon laban sa oposisyon upang ilihis ang atensyon ng taumbayan sa tunay mga isyu sa bansa.

Pahayag ito ng Liberal Party Senators kaugnay sa pag-uugnay ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kina Senate Minority Leader Franklin Drilon at dating Interior Secretary Mar Roxas sa operasyon ng iligal na droga.

“Ang panibagong bintang na ito laban sa mga kilalang kasapi ng Liberal Party ay pagpapakita ng walang-tigil na pagkilos para gawing kontrabida ang partido sa mata ng taumbayan at para ilihis ang atensyon ng publiko sa mga problema ng bansa gaya ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, patayan, at katiwalian, kabilang na ang smuggling ng droga sa Bureau of Customs,” saad ng LP senators sa isang statement kanina.

Sa halip anila na pag-aksayahan ng panahon ang sinasabing bagman ng isang sindikato ay dapat sagutin ng gobyerno ang iba’t ibang isyu laban sa gobyerno.

“Mukhang mahilig yatang lumikha ang pamahalaang ito ng mga saksing kahina-hinala ang record at pagkatao, tulad na lang ng ginawa nila kay Sen. Leila de Lima na kanilang ipinakulong gamit ang walang batayang testimonya ng mga nahatulang kriminal.

Dapat din anilang sagutin ang isyu ng pagbabawas ng P1,000 sa umano’y P50-milyong suhol sa Bureau of Immigration na kinasasangkutan ng mga kasama ni Aguirre sa Lex Talionis fraternity para hindi plunder ang maging kaso.

“Parang may dagdag-bawas na nangyayari sa Department of Justice. Dagdag na ebidensya sa tinuturing na kalaban, bawas naman sa kakampi,” dagdag ng minority senators.

Hinikayat din ng partido ang gobyerno na alamin na lamang kung sino ang mga nagpalusot ng P6.4-bilyong halaga ng shabu sa mga opisyal ng Customs.(Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?