109

Dec 10, 2017 @ 14:08
By

Duterte admin pinitik sa Int’l Human Rights Day

Inudyukan ni Magdalo partylist Rep. Gary Alejano ang mga Pilipino na panindigan ang kalayaan at karapatang pantao.

Kaugnay ito ng pagdiriwang ng 69th International Human Rights Day o ng Universal Declaration on Human Rights kung saan bahagi ang Pilipinas.

Ayon kay Alejano, kabaligtaran ang nangyayari sa bansa dahil sa serye ng extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte at mismong ang pangulo pa ang nang-eengganyo na patayin ang hinihinalang mga drug suspects na ang karamihan sa target ay mahihirap.

Ang masaklap pa aniya, patuloy na itinatanggi at ipinagtatanggol pa ng mga awtoridad at mga opisyal ng gobyerno ang mga insidente ng patayan.

Sabi ng kongresista, kailangang kumilos ang publiko laban sa banta sa karapatang pantao dahil maaaring maging biktima ang sinuman, saan man at anumang oras.

“Ang mga karapatang-pantao ay kinakailangang makamit upang mabuhay ng malaya at may dignidad. Ang mga ito ay unibersal o para sa lahat. Taglay natin ang mga ito dahil tayo ay tao. Kapag ang mismong gobyerno, na dapat pumoprotekta sa mga ito, ang siyang lumalabag na sa mga karapatan mo bilang tao, mas lalong dapat nating igiit ang mga ito,” diin ni Alejano.

“Dignidad ng buhay at pagkapantay-pantay ng lahat ang ating pinoprotektahan. Kailanman ay hindi maling ipaglaban ang mga ito,” dagdag ng kongresista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?