29

May 4, 2021 @ 13:50
By

Duterte: 2 araw lang, patay na ‘pag tinamaan ng COVID

Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na seryosohin ang banta ng COVID-19 dahil kamatayan ang hahantungan kapag nahagip ng bagsik ng virus.

Sa kanyang Talk to the People nitong Lunes, pinagsabihan ng Pangulo ang mga tao na manatili lamang sa bahay kung wala rin lang importanteng gawin sa labas.

Sa kabila aniya ng paulit-ulit na paalala na sundin ang tamang pag-iingat ay marami pa rin ang pasaway at hindi sumusunod sa pakiusap ng gobyerno.

“Itong mga tao matigas ang ulo, ayaw nilang maniwala, nagsabi na nga na mag-istambay ka na lang sa bahay. Alam mo hindi ito biro. ‘Pag tinamaan ka ng COVID, it’s kamatayan. Usually madalas diyan two days patay. Hindi ko kayo tinatakot, sinasabihan ko kayo gamitin niyo utak ninyo,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente na delikado ang hatid na peligro ng COVID-19 at hindi aniya ito dapat na balewalain dahil kapag matindi ang kumapit na virus ay posibleng mamatay sa loob lamang ng dalawang araw.

“Delikado ang pandemya. Hindi ito laro o sakit-sakitan. Pagka-tinamaan ka nito, wala na. Mabuti pa ang rabies you have about 14 days of acting like a mad dog. Pero ito dalawang araw lang,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Duterte na pati siya ay takot sa COVID-19 dahil kapag tinamaan siya ay hindi masabi kung masikatan pa siya ng araw kinabukasan.

“Kaya pati ako takot. Pati ako nagsasalita ngayon hindi ko talaga masasabi sa inyo mabuhay ako bukas o mamatay ako. Pag ako ang tinamaan, there’s no way sa katanda ko, there’s no way of telling whether I would live to see the light of the day the following day,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?