By

Durog na mga bote, kuminang sa kalsada sa QC

Sharing is caring!

Limang lane ang pansamantalang hindi nadaanan matapos bahagyang tumagilid ang isang dambuhalang trak sa bahagi ng Elliptical road sa Quezon City, nitong Huwebes ng madaling araw.

Ayon sa drayber ng 22-wheeler truck na si Noe Comia, dakong ala-1:00 ng madaling araw ay paliko na sana siya sa Elliptical road sa Quezon City Memorial Circle mula sa Commonwealth Avenue nang bigla siyang mapa-preno dahi sa hindi pantay na daan.

Dahil dito ay bahagyang tumagilid ang trak at nahulog mula sa sasakyan ang lulan na humigit sa 30 kahon na naglalaman ng mga bote at nagkabasag-basag at kumalat sa kalsada ang mga bubog.

Hinala ng MMDA, mabilis ang patakbo ng tsuper kung kaya’t nawalan ng balanse ang trak. Ngunit giit naman ng drayber, mabagal lamang ang patakbo niya sa sasakyan at talagang iniwasan lamang niya ang baku-bakong daan.

Dahil sa insidente ay bahagyang bumagal ang daloy ng trapiko sa bahagi ng Elliptical road.

Nagtulong-tulong naman ang mga kagawad at tanod sa Barangay upang walisin at isako ang mga nagkalat na bubog dahil malaki ang posibilidad na makaaksidente pa ito at mabutas pa ang gulong ng mga motoristang daraan doon.

Bandang alas-2:00 na ng madaling araw nang muling buksan ang kalsada sa mga motorista.

Samantala, nahaharap naman sa kasong reckless driving si Comia. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?