27

Mar 20, 2020 @ 10:41
By

Duque, trabaho pa rin kahit na naka-quarantine

Tuloy pa rin ang trabaho ni Health Secretary Francisco Duque kahit na naka-home quarantine ito matapos ma-expose sa isang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Duque, kilos pa rin ito dahil kailangan niyang i-monitor ang lahat ng kaganapan sa bansa. Maayos naman aniya ang kanyang pakiramdam kahit na naka-quarantine.

Ayon sa kalihim, hindi naman umano ganun kabilis ang pagkawala ng virus sa ginagawang enhanced community quarantine.

Tulad umano sa nangyari sa Wuhan na kahit nagpatupad ng lockdown ay hindi agad nawala ang virus.

“Kita naman ninyo kahit na lockdown nagkaroon pa rin sila ng mahigit 3,000 COVID positive. Unti unti hanggang sa dumating ngayon na paisa-isa na lang ang nadi-detect nila,” ayon kay Duque.

Hindi naman umano katulad nang nangyari sa Italy, na nagpatupad man umano ng travel restriction pero wala namang social distancing kaya tumaas din ang bilang ng nahawaan.

Muling hinikayat ng Kalihim ang publiko na makiisa sa ipinatutupad na `lockdown’ ng pamahalaan. (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?