12

Aug 17, 2020 @ 13:29
By

Duque sure na dadalo sa pagdinig sa PhilHealth scam – Sotto

Inihayag ni Senate President Vicente Sotto II na dadalo si Health Secretary Francisco Duque III sa ikatlong pagdinig ng Senate Committee of the Whole, sa pamamagitan ng teleconference, sa diumano’y iregularidad sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

“Sabi naman ni Secretary Duque, nagpasabi sa akin, a-attend siya virtually dahil nagka-quarantine siya dahil nadikit siya kay o nakasama niya si Secretary [Eduardo] Año so he’s playing it safe,” pahayag ni Sotto sa panayam sa Dobol B sa News TV.

Nauna nang nagpositibong muli Interior Secretary Eduardo Año sa COVID-19 noong Linggo.

Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, okey lang naman sa kanya kung dadalo si Duque, chairperson ng PhilHealth board, sa pagdinig sa pamamagitan ng teleconference.

“Secretary Duque can still participate virtually as a resource person. Being possibly exposed to the virus is not an acceptable excuse as far as the Senate is concerned,” sabi ni Lacson sa kanyang text message sa mga reporter.

Umaasa naman si Senadora Risa Hontiveros na ilalahad lahat ni Duque ang kanyang naalaman sa PhilHealth dahil matagal siyang namuno sa ahensiya sapul pa noong 2001.

Inaasahang tatapusin na ng Senado ang pagdinig sa Martes para makagawa na ng kanilang report sa Department of Justice na nagsasagawa rin na hiwalay ng imbestigasyon sa naturang isyu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?