303

May 20, 2020 @ 15:20
By

Duque: ‘Pinas nasa 2nd wave na ng COVID-19

Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque sa pagdinig sa Senado na nararanasan na ngayon sa Pilipinas ang second wave ng coronavirus outbreak.

Sa pagpapatuloy ng Senate hearing nitong Miyerkoles kaugnay sa ginagawang hakbang ng gobyerno laban sa COVID-19 pandemic, naitanong ni Senador Bong Revilla ang kahandaan ng bansa kapag umiral na ang second wave ng virus.

“Palagi pong nababanggit ‘yung second wave of infections, paano po ba natin masasabi na nasa second wave na tayo? Considering the doomsday scenario being painted ‘pag nagkaroon na ng second wave, ano po ang dapat natin gawin para hindi tayo dumating sa puntong ‘yon,” tanong ni Revilla kay Duque.

Sagot ni Duque: “Actually nasa second wave tayo, ‘yung first wave natin nag-umpisa, batay po ito sa ating mga batikang epidemiologist, na ang first wave natin happened sometime in January. Nung nagkaroon po tayo ng tatlong kaso ng mga Chinese nationals from Wuhan. ‘Yun po ay kinikilalang first wave. Maliit lang na wave.”

“Pero ngayon nasa second wave tayo at ginagawa po natin ang lahat para nga ma-flatten ‘yung epidemic curve at para nang sa ganoon ay magkaroon po tayo ng sapat na panahon na mapaunlad at maitaas ang ating kakayahan sa sistemang pangkalusugan. Ramping up the health system’s capacity,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?