27

May 24, 2020 @ 15:27
By

Duque pabigat sa kampanya vs. COVID – Drilon

Nakakabigat lang umano si Health Secretary Francisco Duque sa laban ng goyerno sa COVID-19 pandemic.

Ito ang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon bunsod ng nakakalitong mga pahayag ng kalihim ukol sa kinakaharap na krisis ng bansa.

“Alam mo, particularly si Duque, sa nakikita ko nakakabigat si Duque sa kampanya laban sa COVID-19. Importante ang kumpiyansa ng taumbayan para sumunod sa mga alituntunin ng IATF. Kung wala kang kumpiyansa, paano ka susunod,” ani Drilon sa panayam sa DZBB.

Partikular na tinukoy ng senador ang kawalan ng tamang datos ng Department of Health (DOH) hinggil sa mg nagpositibo sa virus.

“Alam mo habang walang accurate data, i-extend nang i-extend iyan. Bakit wala? Dahil walang sufficient testing. Hindi mo malaman kung ilan ang kaso sa atin. Nabasa ko mayroong 19,000 positive cases pero ang na-validate ay 13,000 lamang,” wika ni Drilon.

“Ibig sabihin, yung 6,000 pakalat-kalat at hindi alam na carrier sila. Siyempre, matatakot ang publiko. Iyan ang sinasabi ko, na hindi nabigyan ng emphasis yung three Ts (test, trace at treat),” dagdag nito.

Kinadismaya rin ni Drilon ang tila mabagal na pagsagawa ng pagsusuri sa mga indibidwal na pinaghihinalaang dinapuan ng virus.

“Mahigit 2 buwan na tayo rito, hanggang ngayon si Duque, sinasabi 10,000 pa lang ang na-te-test per day, eh ang sabi ang kailangan ay 50,000. Yung tracking, kapag alam natin na positive, hindi natin alam kung sino ang na-contact nito,” ayon pa sa senador.

Nang tanungin kung dapat bang sibakin na sa puwesto si Duque, sinabi ni Drilon na desisyon na umano ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang Pangulo ang halal na political leader, ang mga cabinet members ay kanyang kinatawan. Nasa Pangulo iyan at dapat tingnan ang problemang ito,” ani Drilon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?