170

Jun 20, 2019 @ 17:15
By

Duque kumbinsidong walang kahihinatnan ang alegasyon ni Lacson

Handa si Health Secretary Francisco Duque na sumailalim sa anumang imbestigasyon kaugnay sa paratang ni Senador Panfilo Lacson na may “conflict of interest” ang pag-upa ng PhilHealth sa kanilang gusali sa Dagupan City, Pangasinan.

“I welcome all forms of investigation. I’m willing to undergo whatever investigation needs to take place,” ani Duque.

Sinabi ni Lacson na malinaw na may “conflict of interest” sa panig ng kalihim dahil sa pagpayag nitong umupa ang PhilHealth sa gusaling pag-aari ng kanilang pamilya sa Dagupan City.

Kumbinsido naman si Duque na sayang lang ang oras at walang kahihinatnan ang gagawing imbestigasyon sa kanya dahil nakasaad aniya sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Network (SALN) ang pag-upa ng PhilHealth sa kanilang pag-aari.

Paliwanag ng kalihim, umalis siya sa gobyerno noong 2015 at bumalik sa Dagupan City bilang isang private citizen. Nahalal siya rito bilang pangulo ng Lyceum Northwestern University na ang corporate name ay Education Medical Development Corporation.

“2015-2016 ako ang namuno ng aming corporation at inabutan ko na ang PhilHealth bilang tenant ng korporasyon na nasa campus ng aming university,” dagdag niya.

Nagbitiw umano siya bilang presidente, CEO at miyembro ng board ng kanilang korporasyon nang italaga siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kalihim ng Department of Health.

Ang kanyang kapatid umano ang pumalit sa kanyang posisyon.

Gayunman, idiniin ni Lacson na nakalista pa rin ang pangalan ni Duque sa general information sheet mula sa Securities and Exchange Commission bilang miyembro ng korporasyon ng kanilang pamilya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?