14

Jul 22, 2020 @ 18:49
By

Duque hindi ‘whipping boy’ ni Duterte – Roque

Itinanggi ng Malacañang na ginagawang “scapegoat” o tagasalo ng mga banat at batikos sa gobyerno si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kaya hindi ito sinisibak ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na suportado ng Pangulo ang mga ginagawa ni Duque lalo na ngayong matindi ang hinaharap na pagsubok ng bansa at mali ang paniwala ni Senadora Leila de Lima na ginagawang pananggalang si Duque sa mga kritisimo sa gobyerno.

“The President has not been treating Secretary Duque as a whipping boy. He’s always been supportive of him,” ani Roque.

Kung mayroon man aniyang mga nagawang pagkakamali ang kalihim at hindi naman sinadya, walang dahilan para mawalan ng kumpiyansa kay Secretary Duque.

Nauna rito inihayag ni De Lima na kaya nananatili pa rin si Duque sa DOH ay dahil siya umano ang ginagawang punching bag ng administrasyon sa mga trahedyang nangyayari sa bansa.

Maraming sektor ang humihiling na mag-resign na sa puwesto si Duque dahil sa hindi umano maayos na pangangasiwa sa COVID crisis subalit ipinagtanggol ito ng Pangulo at nananatili aniya ang tiwala nito sa opisyal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?