475

Jun 9, 2021 @ 20:23
By

Duque: Doktor puwedeng magreseta ng Ivermectin

Hindi umano pinagbabawalan ang mga doktor na magreseta ng Ivermectin upang labanan ang COVID-19.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong Miyerkoles, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na muli itong magpapalabas ng pahayag upang linawin ito.

“We will make the reiteration that the use of Ivermectin prescribed by a physician where it is clear to the physician and to the patient that there is an indication for the use or prescribing Ivermectin upon the patient. So will reiterate that,” sabi ni Duque bilang tugon sa tanong ni Deputy Speaker Bernadette Herrera.

Sinabi ni Herrera na kailangan itong linawin dahil may mga doktor na natatakot na maparusahan kung magririseta ng Ivermectin.

“Inaasahan ko po yung mabilis na reiteration nyo with regards to wala kayong prohibition… on prescribing Ivermectin may freedom po yung mga doktor to do so.”

Umaasa rin si Herrera na malilinawan dito ang Philippine Medical Association at iba pang medical associations.

“Sana tignan din po natin yung ibang bansa… using this (Ivermectin). Kasi alam nyo po ang mga Pilipino pag nakikita nila bakit sa ibang bansa ginagamit bakit dito sa Pilipinas tila hindi mabigyan ng pagkakataon. So sana pag-aralan po natin mabuti ano po ba yung nakita nung ibang mga bansa, ano yung pagtingin nila sa evidence bakit iba ang interpretation nung mga scientist and doctors doon,” dagdag pa ni Herrera.

Nangako naman si Duque na pag-aaralan ang mga datos kaugnay ng pag-aaral na isinagawa sa Ivermectin sa ibang bansa.

Sa kaparehong pagdinig ay nangako rin si Duque na kakausapin ang mga doktor na sumusuporta sa paggamit ng Ivermectin.

“Nabanggit po ng ating Secretary of Health iimbitahan niya ang concerned doctors group…. I would expect him to do that with dispatch,” sabi Atienza.

Sagot naman ni Duque gagawin ang pakikipag-ugnayan sa mga ito sa madaling panahon.

Samantala, umaasa naman si Anakalusugan Rep. Mike Defensor na agad na lalabas ang resulta ng isasagawang clinical trial ng Department of Science and Technology (DOST) sa Ivermectin.

Sinabi ni DOST Sec. Fortunato dela Pena na aabutin ng walong buwan ang buong pag-aaral.

“Sana naman by the mid point of the trial eh meron ng maibigay na mga information,” sagot ni dela Pena kay Defensor.

Ayon naman kay DOST- Philippine Council for Health Research and Development Director Jaime Montoya magsisimula ang clinical trial sa Hulyo.

“Ang interim analysis po before the end of the year,” sabi ni Montoya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?