20

Oct 5, 2021 @ 17:13
By

Duque: COVID case bumaba sa bakuna, pagsunod sa health protocol

Nagbubunga na ang pagsisikap at panawagan ng gobyerno sa publiko na magpabakuna at sumunod sa health protocols.

Ito ang iniulat ni Department of Health Secretary Francisco Duque III kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ginanap na Talk to the People nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Duque, malaki na ang ibinaba ng COVID cases sa bansa at nasa moderate risk classification na rin ang healthcare utilization rate sa bansa.

Ayon kay Duque, nasa 75% na ang nakakuha ng kumpletong bakuna sa National Capital Region (NCR) at aktibo ang mga local government unit sa tracing at testing, kasama na ang quarantine kaya bumagal ang pagkalat ng COVID.

“Nakita po natin ang ating LGUs particular in NCR ay talagang sinusunod nila yung atin pong panuntunan. Ito yung maagang pagdadala ng mga probable and suspect cases sa mga isolation and quarantine facilities, and dahil po diyan Mr. President, naiiwasan ang tuloy-tuloy na pagkalat ng kaso,” ani Duque.

Sinabi ng kalihim na upang magpatuloy ang pagbaba ng hawaan ay dapat ipagpatuloy ng LGUs ang mabilis na pagdadala sa mga quarantine at isolation facilities sa mga kinapitan ng COVID-19 pati na ang mga nakasalamuha at nahawaan ng mga ito.

Hinikayat din ni Duque ang mga lokal na opisyal na palawigin ang pagbabakuna upang maabot ang 70% target na full vaccination ng buong populasyon o katumbas ng 77 milyong Pilipino bago matapos ang taon o kaya sa mga unang buwan ng 2022.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?