73

Feb 10, 2020 @ 20:56
By

Duque binida! Duterte tiwalang matatalo ang coronavirus

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na opisyal na kontrolado ng gobyerno ang sitwasyon sa 2019 novel coronavirus.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa harap ng local executives sa SMX Convention Center sa Pasay City kaugnay sa isyu ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) na nakaapekto na sa maraming bansa.

Sinabi ng Pangulo na kumikilos ang lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Health (DOH) para hindi lumala ang pagkalat ng corona virus sa bansa.

Eksperto na aniya si Health Secretary Francisco Duque sa mga ganitong sitwasyon batay na rin sa tagal na nitong nagsisilbi sa gobyerno at naniniwala itong kayang malagpasan ito.

“If you can just listen to Secretary Duque, he will be as good as any other expert. Matagal na ‘yan siya sa gobyerno. And I’m sure as a doctor and one who has astounded several conferences abroad and local, he has the working knowledge on how to cope up,” anang Pangulo.

Binira ng Presidente ang ilang mga pulitiko na aniya ay nagmamagaling at kinukuwestiyon kung ano ang ginagawa ng gobyerno sa harap ng isyu ng corona virus.

Ayon kay Pangulong Duterte, mayroong mga tauhan ang DOH sa mga probinsiya, lungsod, munisipalidad at maging sa barangay level na makakatulong ng malaki para maagapan ang pagkalat ng corona virus.

“There are some kibitzers in politics, idiots if you may, na pagputok nito they are askin: What is the government of the Republic of the Philippines doing? Well of course my powers and Secretary Duque handles the Department of Health. Sa Department of Health meron namang provincial, municipal, city at saka ‘yung mga ano ninyo barangay health workers,” dagdag ng Pangulo.

Sakali aniyang lumala ang sitwasyon, tiniyak ni Pangulong Duterte sa mga lokal na opisyal na mayroong sapat na pondo ang gobyerno an magagamit para malagpasan ang pagsubok sa corona virus.

“If it really goes out of hand, huwag kayong mag-alaala, may pera si Dominguez. We have the money, I can assure you and we can defeat this virus,” wika pa ng Presidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?