21

Aug 11, 2020 @ 18:03
By

Duque balatan sa PhilHealth anomaly – Hontiveros

Hinikayat ni Senadora Risa Hontiveros ang Senado na ipatawag si Health Secretary Francis Duque III sa susunod na pagdinig sa diumano’y malawakang katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Kinuwestiyon ng senador kung bakit hindi kasama sa imbestigasyon ang Health Secretary gayong halos 20 taong na itong naging miyembro ng board ng ahensiya.

“Why is the Health Secretary unscathed in all this? Isa si Secretary Duque sa mga dapat magpaliwanag nang maigi ukol sa mga alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth,” sabi ni Hontiveros.

“In fact, he has been connected with PhilHealth in various capacities since 2001. Now on his second term as chairperson of the board of PhilHealth, he cannot deny responsibility for all irregularities inside such a vital health institution,” dagdag pa nito.

Sabi ni Hontiveros, si Duque ay nagsilbing presidente ng korporasyon mula 2001 hanggang 2005 at chairman of the board noong 2005 hanggang 2009.

Sa panahon ni Duque sa PhilHealth, sa report ng University of the Philippines-National Institutes of Health, kinuwestiyon ang sobra-sobrang administrative expenses na lumagpas sa allowable limit para sa taong 2004, 2008 at 2009, batay sa audited reporters mula sa Commission on Audit (COA).

Ayon pa kay Hontiveros, si Duque ay naging PhilHealth president din noong 2004 nang kuwestiyun ang iligal na paggamit ng P500 milyong pondo na ginamit na pambili ng PhilHealth cards na may campaign slogan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, batay sa alegasyon noon ni Senador Panfilo Lacson.

“If we want to clean up PhilHealth, we must go way back to 2001, when Secretary Duque was the PhilHealth president. With his long history in the institution, Duque cannot feign ignorance of this systemic corruption,” ani Hontiveros.

“If we want structural change, alugin natin. Expose the sacred cows. Expose the conflicts. Most of all, expose the backers,” sambit pa nito.

Nakakalungkot aniyang isipin na habang may namamatay sa COVID-19, may ilan namang yumayaman mula sa pangungurakot sa pondo ng PhilHealth.

“Kung totoong bilyones ang nawala, siguradong may protector ang mga ‘yan. Aalamin natin kung sino ang mga bumulsa at siguraduhin mabalik sa taumbayan ang pera nila,” pagtatapos pa ng senadora. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?