27

Nov 9, 2021 @ 14:45
By

Duque: Alert Level 1 sa NCR posible

Posibleng ibaba sa Alert Level 1 ang Metro Manila kung bubulusok pa ang maitatalang COVID-19 case nito sa 500 o mas mababa sa 1,000, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

Ani Duque, nakadepende sa bilang ng maitatalang kaso ng COVID ngayong holiday season ang ipapataw na alert level status.

“Depende ‘yan. Titingnan natin ang numero, ang datos. Kung ang datos ay patuloy namang bumababa, halimbawa kahapon is nasa a little over 2,000 lang tayo, so posible na kapag below 1,000 tayo or 500 per day ay baka puwede nating ibaba pa hanggang Alert Level 1,” pahayag niya sa Laging Handa public briefing.

“Sino ba naman ang may ayaw na mas mababa ang ating alert level? Mas malaking bahagi ng ekonomiya naman ang ating mabubuksan at mas marami tayong mababawing trabaho na nawala,” patuloy niya.

Sa ilalim ng Alert Level 1, mas malaya ang mga taong makagawa ng mga aktibidad at maaaring magbukas sa full capacity ang mga establisyimento basta masusunod pa rin ang mga minimum public health standard gaya ng pagsusuot ng face mask.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?