310

Nov 4, 2017 @ 16:41

Duplicate key na gamit ng mag-ina sa pagnanakaw, nabuking

Arestado ang 70-anyos na lola at anak nito nang ireklamo ng pagnanakaw ng mahigit milyong halaga ng alahas at salapi ng isang negosyante sa Sta. Mesa, Maynila.

Naisalang na rin sa inquest proceedings sa Manila City Prosecutor’s Office ang mag-inang sina Antonina Mercado y Lara, alyas “Nini”, 38, dalagang ina, may dalawang anak at stay-in housemaid sa No. 3581 Dupil St., P. Sanchez, Sta. Mesa, Maynila at Emelita Mercado y Lara, alyas “Lita”, biyuda at kasambahay din sa nasabing address.

Ayon sa report ni Chief Inspector Eduardo Pama, hepe ng Theft and Robbery Section ng Manila Police District, personal na dumulog sa kanila ang 58-anyos na complainant na si Susan Bueno para ireklamo ang dalawa niyang kasambahay matapos matuklasan ang panloloob sa kanyang pribadong silid gamit ang duplicate key at pagtangay sa iba’t ibang uri ng alahas na umabot sa halagang 1,260,000 at cash na humigit-kumulang sa P20,000.

Ayon sa biktima, alas-dos ng hapon noong Nobyembre 2 ay umuwi siya ng bahay mula sa Greenhills, San Juan at nasorpresa nang madatnang hindi na naka-lock ang kanyang kuwarto kung saan sa loob niya nadatnan ang kasambahay na si Nini , gayung siya lamang ang may hawak ng nag-iisang susi.

Sa pagkagulat ni Nini ay napahagulgol ito na ipinagtaka ng biktima hanggang sa magtapat na ito sa mga ninakaw na alahas sa maraming pagkakataon at ang pinakahuli ay itinuro na nakaipit sa kanyang mga damit.

Tuluyan na ring ibinulgar ni Nini na ang kanyang ina na si Lita ang may pakana sa susi na ginagamit sa pagnanakaw sa silid ng kanilang amo na pinaniniwalaang ipinakopya ang orihinal na susi ng biktima.

Sinabi ng biktima na walang ibang tao na nakatira sa kanyang bahay bukod sa mag-inang suspek at mga anak ni Nini na dalawang menor de edad.

Sobrang tiwala umano ang ibinigay niya sa mga suspek dahil kinupkop niya ang buong pamilya nito na hindi akalaing bantay-salakay pala ang modus. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?