130

Dec 30, 2017 @ 11:06

Dumlao, Catapang nagturuan sa P8.7-B ROW scam

Nagturuan sina Roberto Catapang at Mercedita Dumlao hinggil sa isyu ng raket sa road right-of-way (ROW) sa General Santos City.

Binalaan ni Dumlao, na isa sa inakusahang sangkot sa nanloko sa gobyerno ng P8.7 bilyon sa gawa-gawa lang na ROW claims, si Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II na huwag magpapabiktima sa kunwari umanong whistleblower na si Catapang.

Kasama ang kanyang abogado na si Atty. Danny Villanueva, nagsumite ng kanyang letter of appeal si Dumlao sa DOJ at hiningi kay Aguirre na isaalang-alang nito ang desisyon na gawing government witness si Catapang.

Sa dalawang-pahinang sulat nito, pinabulaanan ni Dumlao ang alegasyon ni Catapang na siya ang nag-facilitate para mailabas ang bayad para sa private properties na ginamit sa road projects na pinondohan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa General Santos gamit ang pekeng titulo ng lupa.

Aniya, si Catapang umano ang nagpilit sa kanya na mag-invest ng kanyang pera sa ilang ROW claims at nagpadala sa kanya ng 25 titulo ng lupa bilang katiyakan sa kanyang pamumuhunan.

Kamakailan sa isang press conference sa DOJ noong Nobyembre itinuro ni Catapang si Dumlao na kasabwat sa sindikato sa multi-billion peso scam.

Kasama sa inginuso ni Catapang sina dating DPWH chief Rogelio Singson at Budget Secretary Florencio Abad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?