14

Oct 19, 2020 @ 20:14
By

DTI sa mga mamimili: Hanapin produktong sulit

Pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kahilingan ng ilang food manufacturer na magtaas sa presyo ng kanilang produkto partikular sa kanilang noche buena item.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na may ilang humiling ng price adjustment at ito ay inaaral na ng Consumer Protection Group.

Titingnan aniya kung rasonable ang hinihinging increase, at kapag hindi ay binabawasan kung anumang pagtataas ang hinihingi ng manufacturers.

“Wide po iyong range na hinihingi nila from less than 1% to about 3% based from their application. May mga brand po na nagre-request ng mga price adjustment to cover for iyong increase in cost nila,” ani Lopez.

Pinayuhan naman ng kalihim ang mga mamimili na piliin ang mga produkto at mga brand na inaakala nilang angkop sa kanila ang presyo.

Sinabi ni Lopez na maraming magbibigay ng promo sa kanilang produkto pagdating ng holiday season kaya ito ang hanapin aniya ng mga consumer para maging sulit ang kanilang pamimili.

“Hanapin po ‘yung products na sulit na sulit sa atin, sulit sa mamimili at iyong brands na hindi nagtaas ng presyo para iyon ang bilhin,” dagdag ni Lopez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?