467

Jan 15, 2019 @ 14:48
By

DTI sa DA: Hinay-hinay sa pag-import ng manok

Hiniling ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Department of Agriculture (DA) na kontrolin na ang pag-angkat ng mga manok dahil nasasakripisyo na ang lokal na industriya.

Sinabi ni Trade Usec. Ruth Castelo, dahil sa “oversupply”, lubha nang nasasakripisyo ang mga lokal na negosyante ng manok dahil sa pagbaba ng presyo ng kanilang produkto.

Ayon kay Castelo, bumaba sa P90 hanggang P99 ang kada kilo ng manok sa mga supermarket bagama’t may mga nagbebenta pa rin ng hanggang P160.

Babala ng opisyal, kapag tumigil ang lokal na produksyon ng manok, maaaring puro “imported chicken” na lang ang makakain sa bansa.

Sinabi ni Castelo nais nila na magkaroon ng regulasyon sa importasyon ng manok hanggang sa maging maayos na ang sitwasyon sa lokal na industriya.

Una nang ipinanukala ni Agriculture Sec. Manny Piñol ang lingguhang pagtaas ng presyo ng karne ng manok para protektahan ang local producers sa pagbagsak ng presyo.

Ngunit kontra naman ang Philippine Competition Commission sa plano ni Piñol sa katuwiran na hindi magandang tingnan na nagkakasundo sa presyo ang mga magkakalaban sa negosyo at paglabag din ito sa Philippine Competition Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?