132

Jan 14, 2020 @ 17:44
By

DTI nagsagawa ng sorpresang inspeksyon sa mga tindahan ng face mask

Nagsagawa ng sorpresang inspeksyon ang mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga tindahan ng face mask sa may Sta. Cruz, Maynila nitong Martes ng umaga.

Dakong alas-11:30 ng umaga nang isagawa ang inspeksyon sa pangunguna ni DTI Usec. Ruth Castelo matapos silang makatanggap ng reklamo hinggil sa overpricing o biglang pagtaas sa presyo ng mga face mask lalo na ang N95 dahil sa lakas ng demand makaraang pumutok ang Bulkang Taal.

Sa Quiriqada St., at sa Bambang na nasasakupan ng Maynila personal na inikutan ni Castelo ang ilang tindahan na nagbebenta ng medical supplies gaya ng face mask.

Subalit mayroon isang tindahan na sinita dahil sa sobra-sobrang halaga ng N95 mask, na nasa presyong P120 bawat isa.

Paliwanag naman ng tindera (hindi na binanggit ang pangalan), P85 aniya ang bili nila sa supplier.

Ngunit giit ni Castelo, 10% lamang daw dapat ang patong, alinsunod sa batas.

Sinabi ni Castelo, posibleng maharap sa profiteering at illegal price manipulation sa ilalim ng Fair Trade Act ang nasabing tindahan.

May iba pang iisyuhan ng notice of violation dahil sa overpricing ang ibinebentang face mask.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?