488

Dec 30, 2017 @ 15:15

DTI kinalampag sa price hike ng mga produkto sa TRAIN law

Kinalampag ng Malacañang ang Department of Trade and Industry (DTI) matapos makatanggap ng impormasyon na nagtaas kaagad ng presyo ang ilang supermarkets sa mga produktong saklaw ng bagong batas na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) act.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na dapat tutukan at magbantay ang DTI dahil hindi makatwirang magsamantala agad ang ilang negosyante.

Binigyang-diin ni Andanar na hindi pa epektibo ang TRAIN sa ilang produkto dahil kailangan pang i-publish ito at wala pa ang implementing rules and regulation.

“Dapat tutukan ‘yan ng DTI at maiparating kay Secretary Mon Lopez para sila po ay makapag-inspect kaagad.

“Hindi naman puwedeng pagsamantalahan ang ating mga kababayan diyan sa pagtaas ng presyo kahit wala pa ho ‘yung 2018. Wala pa ho ‘yung– kasi kailangan i-publish muna ‘yang batas na ‘yan,” ani Andanar.

Nanawagan ang kalihim sa publiko na kapag napatunayan na may mga supermarket na nagtaas ng presyo ay kaagad na ipagbibigay-alam agad ito sa DTI para maaksiyonan.

Kabilang sa mga produkto na sinasabing nagtaas ng 200% sa presyo ay ang sigarilyo mula sa isang kilalang supermarket na maraming sangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa pagpasok ng 2018 ay inaasahang magtataas ang presyo ng ilang pangunahing bilihin gaya ng sugar sweetened beverages at ang sigarilyo dahil sa TRAIN. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?