260

Oct 26, 2017 @ 10:45

DSWD “wa paki” sa kriminal na menor de edad – Duterte

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi kasama sa prayoridad ng Department of Social Worker and Development (DSWD) ang pagreporma sa mga pasaway at mga kriminal na menor de edad.

Taliwas ito sa nilalaman ng batas ni senador Francis “Kiko” Pangilinan, ang Juvenile Justice Welfare Act of 2006 na hindi maaaring makulong ang edad kinse pababa kahit nakagawa ng karumal-dumal na krimen gaya ng rape at murder, bagkus ay sasailalim sa superbisyon ng mga magulang o kaya ay ng DSWD.

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi totoong tinututukan ng DSWD ang mga pasaway na menor de edad kayat bumabalik aniya ang mga ito sa paggawa ng krimen.

Ito aniya ang dahilan kaya may mga nagagamit na menor de edad sa transaksiyon sa illegal na droga dahil walang mabigat na batas na nagpaparusa sa mga ito sa unang pagkakataon pa lang na nakagawa ng krimen.

Sinabi ni Pangulong Duterte na alam ni Pangilinan ang totoo kaya dapat kumilos na ito noon pa para itama ang kanyang batas.

“Pangilinan says there is Dswd…social worker. It ain’t true my friend. You are there. You have been always a senator. I’ve been dealing eyeball-to-eyeball with this problem as mayor, as a congressman, as vice-mayor, then mayor again. I should know my business,” ang pahayag ng Pangulo.

Nagtataka ang Presidente kung bakit hindi pa rin inaamiyendahan ni Pangilinan ang kanyang batas para magkaroon ng totoong reporma ang mga batang pasaway sa bansa at hindi maging kasabwat ang mga ito sa transaksiyon ng illegal na droga sa bansa. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?