304

By

DSWD undersecretary Isko Moreno nagpaalam na kay Pangulong Duterte

Sharing is caring!

Nagbitiw na sa kanyang puwesto si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Isko Moreno o Francisco Domagoso para kumandidato sa pagka-alkalde ng Lungsod ng Maynila sa 2019 midterm election.

Sa tatlong pahinang sulat-kamay na liham ni Moreno na ipinadala kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes, inihayag nito ang pagnanais na bumaba sa puwesto dahil nais nitong pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng Lungsod ng Maynila.

Ayon kay Moreno, hindi niya matiis ang nangyayari ngayon sa Lungsod ng Maynila na aniya ay talamak sa pang-aabuso at tila napariwara at napabayaan.

“Mahal na pangulo, ipagpaumanhin po ninyo ang aking pagbitiw. Bagama’t nais kong manatili sa kagawaran na inyong itinatalaga sa akin, hindi ko na po matitiis ang mga kasalukuyang nangyayari, sitwasyon at pangaabuso sa mamamayan sa lungsod ng Maynila,” ayon kay Isko.

Sinabi ng opisyal na malaki ang utang na loob niya sa mga Manilenyo dahil binigyan siya ng pagkakataong makilala sa serbisyo publoko kayat panahon na para tugunin ang panawagan ng mga ito.

Panahon na rin ani Moreno na magkaroon ng batang alkalde ang Lungsod ng Maynila para maayos na malaglingkuran ang mga Manilenyo.

“Panahon na rin po siguro upang magkaroon ng batang mayor ang lungsod ng Maynila, dagdag pa ni Isko.

Wala pang abiso ang Malacañang kung tinanggap na ng Pangulo ang pagbibitiw ni Moreno dahil nasa Bali, Indonesia ito nang dumating sa Malacañang ang resignation ng opisyal.

Matatandaang unang itinalaga ng Pangulo si Moreno sa Bases Conversion Development Authority (BCDA) subalit makalipas ang ilang buwan ay nahbitiw ito kaya ibinigay sa kanya ang pagiging Undersecretary ng DSWD noong buwan ng Mayo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?