10

Jan 3, 2021 @ 20:15
By

DSWD nais protektahan mga batang lansangan vs. Covid-19

Bukas ang pinto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga kabataang walang matirhan at palaboy-laboy lang sa kalsada.

Kaya naman hinimok ng naturang ahensya ang publiko na ipagbigay-alam agad sa kanila kung may makitang mga batang pakalat-kalat sa lansangan nang sa gayon ay mabigyan ito ng matitirhan.

Ayon kay Irene Dumlao, spokesperson director ng DWSD, agad sanang sabihin sa field office ng National Capital Region (NCR) o lokal na pamahalaan kung may mamamataang mga batang walang tirahan.

“We encourage the public to report yung mga sightings ng street children and street families,” aniya sa isang pahayag.

“Maaari nilang itawag sa Crisis Intervention Unit ng DSWD field office ng NCR sa telepono bilang 8735-5413. Gayun din, maaari nila itong itawag sa mga lokal na pamahalaan,” dagdag pa niya.

Ito ay bahagi ng hakbang nila upang maiwasan ng mga ito ang banta ng Covid-19.

Ayon pa sa kanya, nakapagbigay na ng tulong ang DWSD sa 49 street children at 51 mga street family simula Enero hanggang Oktubre nang nakaraang taon.

Ayon pa sa kanya, binibigyan nila ng educational assistance ang mga kabataan at livelihood assistance naman para sa bawat pamilyang kinukupkop.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?