35

Oct 11, 2021 @ 18:31
By

DSWD, ginisa ng Senado sa anomalya sa ayuda

Ginisa ng mga senador ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay ng pamamahagi nito ng “ayuda” gamit ang “bankrupt” na e-wallet application noong 2020.

“Ang tingin ko mas mahigit pa ito sa Pharmally,” sabi ni Senador Manny Pacquiao sa pagdinig sa Senado sa panukalang pondo ng DSWD sa susunod na taon.

Kinuwestiyon ni Pacquiao ang transaksiyon ng DSWD sa Starpay, isang hindi kilalang e-wallet service na kinuha ng DSWD para sa pamamahagi ng P50 bilyong Social Amelioration Program (SAP) noong nagdaang taon.

Matatandaan na si Pacquiao ang unang nagbunyag noong Hulyo tungkol sa iregularidad sa transaksyon ng DSWD at Starpay, isang e-wallet service na may paid-capital lamang ng P62,000.

Sabi ni Pacquiao, nakakuha ang Starpay ng lisensya para makapag-operate bilang Electronic Money Issuer (EMI) noong lamang 2018.

Batay sa financial record ng kompanya, nagdeklara ang Starpay ng P26 milyong negative income noong 2019.

“Nung 2019, nagdeklara ng pagkalugi itong Starpay tapos pagdating ng 2020, nakakuha sila ng more than P50 billion na pondo na galing gobyerno, paano?” tanong ni Pacquiao.

“Kumpara sa GCash, mahirap yata intindihin yung explanation kung bakit ganoon kalaki yung nakuha ng Starpay na pondo para dito sa GCash at PayMaya na mas malaki di hamak yung companies na ito,” dagdag nito.

Sabi ni Pacquiao, mahigit P10.4 bilyon pa ang nawawala bagama’t sinasabing nakumpleto na umano ng Starpay ang pamamahagi ng ayuda.

Sa 1.8 milyong benepisaryo ng SAP, 500,000 lang ang nakapag-download ng Starpay app.

Nangangahulugan ito na 1.3 milyon benepisyaryo ang hindi nakatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng Starpay dahil hindi sila nakapag-download ng nasabing app.

Sa pagdinig, tinanong ni Senador Francis Pangilinan kung ang transaksyon ng DSWD ay maihahalintulad sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

Ang Pharmally ay iniimbestigahan ng Senado matapos makakuha ng P8.6 bilyon supply contract sa gobyerno sa kabila ng naitatag lang ang kompanya noong 2019 na may paid capital ng P625,000.

“Ito ba ay Pharmally ng DSWD o hindi? Siguro yun ang pinakatanong. Kompanyang nalugi at ngayon ay may P50 billion na nilaan na pondo, habang mayroon 42 million subscribers ang GCash,” sabi ni Pangilinan.

Samantala, tiniyak naman ni DSWD Secretary Rolando Bautista sa mga senador na lahat ng kanyang aksyon sa pagpili ng financial service provider ay isinagawa sa tulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ang Starpay ay isa sa anim na FSP na kinuha ng DSWD para sa pamamahagi ng SAP cash subsidy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?