11

Sep 22, 2020 @ 15:06
By

DSWD balak magbigay ng P15K sa mga vendor, sari-sari store owner

Plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyan ng P15,000 livelihood grant ang mga maliliit ng mga vendor at owner ng mga sari-sari store na naapektuhan ng coronavirus pandemic.

Sa pagdinig ng Senado sa P171 bilyon budget ng DSWD, sinabi ni Secretary Rolando Bautista na may P10 bilyon pang hindi nagagamit na pondo sa ilalim ng social amelioration program (SAP).

Nagkaroon ng savings na P10 bilyon mula sa pondo ng SAP dahil ibinaba sa 14 milyon ang benepisaryo mula sa nauna nang 18 milyon.

“Out of the budget, we still have a remaining P10 billion,” sabi ni Bautista matapos tanungin ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto kung magkano pa ang natitirang pondo mula sa SAP.

Pero giit nito, nasa Department of Budget and Management (DBM) na aniya kung gusto nilang i-realign ang naturang pondo o kung ibababalik ito sa treasury.

Sabi naman ni Recto, mas mainam aniyang gamitin na lang na pantulong sa tao ang natitirang P10 bilyon SAP funds sa halip na ibalik sa treasury.
Tugon naman ni Bautista, plano sana silang gamitin ang P10 bilyon para sa mga proyekto na makakatulong sa mga pamilyang Pinoy na marekober sa pandemya.

Iginiit naman ni DSWD director Resty Macuto, na plano sana nilang bigyan ng P15,000 kada isa ang mga mahihirap ng mga vendor gayundin ang mga may-ari ng maliliit ng sari-sari store.

“Ang ating tinatarget po dito yung ating mga kababayan na mga informal vendors, yung mga nasa palengke, yung nagtitinda ng mga gulay, yung iba sari-sari store,” sabi ni Macuto.

Kung papayagan aniya ito, may 666,726 pamilya ang mabibiyayaan ng ayudang ito na tig-P15,000 bawat isa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?