9

Feb 24, 2021 @ 20:09
By

Dry run sa face-to-face class tinutulak ng mga senador

Ilang senador ang nagsusulong na simulan ang pilot testing ng face-to-face class para makasanayan na ito at maging handa na sa oras na pumayag ang gobyerno na ipagpatuloy sa hinaharap.

Sa pagdinig ng Senate committee on basic education, sinabi ni Senador Francis Pangilinan na ang kailangan lang ng Department of Education (DepEd) ay bawasan ang bilang ng mga paaralan na magsasagwa ng dry run ng face-to-face classes.

“Kung mayroong UK variant at natatakot doon sa pagkalat, eh di bawasan natin ang pilot areas, gawin nating isang daan muna,” sabi ni Pangilinan.

Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, 1,065 na paaralan o lima kada school division ang napili nila para sumali sa face face-to-face classes pilot run.

Katumbas ito ng dalawang porsiyento o 47,000 public school sa bansa.

Nauna nang ipinanukala ng DepEd na magkaroon ng pilot testing ng face-to-face classes na nakatakda sana noong Enero. Nagbigay ng go signal si Pangulong Rodrigo Duterte subalit binawi ito dahil sa banta ng bagong coronavirus variant.

“Ang importante, mayroon tayong pagkukunan ng karanasan ngayon pa lang at hindi iyong pagdating doon sa dulo saka natin gagawin dahil nakaangkla tayo sa isang libo,” giit pa ni Pangilinan.

Sinuportahan naman ni Senador Sherwin Gatchalian, chair ng komite, at ni Senadora Pia Cayetano ang dry run para sa face-to-face classes subalit para sa limitadong mga lugar lamang.

“Di naman po ibig sabihin na kinancel yung face-to-face, titigil na rin tayo sa pilot schools. This is a good way for our scientists to study what can be done to mitigate the effects of Covid,” ani Gatchalian.

“I cannot understand why we cannot roll out a pilot now? We’ve been discussing this for months and what has changed? We saw the surge, it went down a little bit, we saw the surge again. Alam na natin ito,”giit naman ni Cayetano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?