53

By

Drug rehab sa mga komunidad, OK kay Duque

Sang-ayon ang bagong talagang si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa mungkahi ni Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Dionisio Santiago na magpatayo ng mga community-based drug rehabilitation center.

Ang importante, ayon kay Duque, ay mapalawak ang access sa rehabilitasyon ng mga drug dependent.

Kumbinsido ang kalihim na mainam kung may suporta ng komunidad at pamilya ang rehabilitasyon ng isang nalulong sa ipinagbabawal na gamot.

Pero hindi umano nangangahulugan na dahil mayroong malalaking regional center ay hindi na uubra ang pagkakaron ng community-based center.

“‘Yung community-based, maganda ‘yung sinabi ni Secretary Dionisio dahil nga kung masyado namang malayo at walang suporta ng pamilya, mahihirapan naman ang panunumbalik sa pagiging normal na buhay ang mga drug dependents,” ang paliwanag ni Duque.

Ginawa ni Duque ang pahayag bilang reaksyon sa sinabi ni Santiago na nagkaroon ng miscalculation sa panig ng DOH nang imungkahi nito ang pagtatayo ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija na may kapasidad na sampung libong pasyente.

Si Duque ay pormal nang naupo bilang kalihim ng DOH matapos ang turn-over ceremony ngayong Lunes sa kagawaran kung saan pinalitan niya si Secretary Paulyn Ubial na ang appointment sa pwesto ay hindi inaprubahan ng Commission on Appointments.

Sinabi ni Duque na kasama sa kanyang tututukan ang pagpapahusay sa programa ng PhilHealth, public health program ng DOH at pagpapahusay sa serbisyo ng mga ospital.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?