189

Oct 1, 2019 @ 19:10
By

‘Drug queen’ ibabalik sa ‘Pinas ng PNP

Malapit na at bilang na ang mga araw ng tinaguring drug queen na si Guia Gomez Castro.

Ito ang inihayag ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar sa isang panayam sa telebisyon kung saan positibo niyang sinabi na malapit na nilang madakip si Castro at mga kasabwat nito.

“Our latest monitoring bares that she is in America. This is a proof that we are focusing on her, so it is better for her to just surrender, she has no way out but surrender,” ani Eleazar.

Sinabi ni Eleazar, unang pumasok si Castro bilang asset ng founder ng “ninja cops” noong 2000.

Tumanggi naman si Eleazar na pangalanan ang sinasabing founder na retirado na umano ngayon sa PNP na isang “senior police non-commissioned officer”.

Gagamitin umano ng PNP ang extradition treaty sa Estados Unidos para madakip si Castro at mapabalik sa Pilipinas para harapin ang kanyang mga kaso.

Nabatid na si Castro ay may warrant of arrest na inisyu noong 2002 sa kasong paglabag sa Republic Act 6425 (illegal drugs) at warrant sa bouncing check law na inilabas noong 2003 at 2011 sa Quezon City Regional Trial Court.

Ipinag-utos na rin ni Eleazar ang imbestigasyon upang matukoy ang mga pulis na nakialam para ma-dismiss ang isang kaso sa iligal na droga ni Castro.

Aalamin kung sino ang humawak ng kaso, sino ang nag-file sa korte, paano ito hinawakan at kung sino ang mga naging testigo para mapanagot.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?