108

Oct 27, 2017 @ 15:05

“Drug links” nina Drilon, Roxas imbento – Kiko, Ping

Mariing sinabi ni Senador Kiko Pangilinan na imbento lamang ang paratang na protector ng drug lord sa Visayas sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at dating Interior Secretary Mar Roxas.

Inakusahan pa nito ang administrasyong Duterte ng paglikha ng isyu para makaligtaan ng taumbayan ang shabu smuggling na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC), ang katiwalian at mga patayan.

“Kalokohan at gawa-gawa lamang ito ng administrasyon para ilihis ang usapin mula sa mga kinasasangkutan nito tulad ng BOC P6.4billion na shabu smuggling, katiwalian at ang araw-araw na patayan dahil sa abusadong PNP,” pahayag ni Pangilinan.

Inakusahan din ni Pangilinan ang administrasyon ng pag-iimbento ng ebidensya para gipitin ang oposisyon habang pinaliligtas naman umano ang mga kapanalig ng administrasyon.

“Nagtatanim o gumagawa ng ebidensya para idiin ang mga katunggali at dinodoktor ang ebidensya para makalaya at makalusot ang kakampi,” dagdag nito.

Una rito, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na iimbestigahan nila ang alegasyon ni Ricky Serenio, kilalang drug lord sa Visayas, na protektor sina Drilon at Roxas ng napatay na drug lord din na si Melvin Odicta.

Pinatay si Odicta at ang asawa nito habang nasa pantalan sa Caticlan noong Agosto 2016.

Kahit si Senador Panfilo Lacson ay nagtatanggol kina Drilon at Roxas.

Idiniin na mahirap paniwalaan ang bintang ni Serenio na karibal sa negosyo ng napatay na si Odicta.

“For me, not only probably because I know Senators Drilon and Roxas too well, but also it is hard to believe the words of a rival drug lord of Odicta who cannot anymore confirm or deny that statement,” diin ni Lacson. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?