110

Oct 17, 2017 @ 15:23

Drug-free city, target ni Erap sa Maynila

Hinikayat kahapon ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mga opisyal ng 896 barangay sa lungsod na buhayin ang kanilang Anti-Drug Abuse Council (ADAC) para labanan ang iligal na droga sa kanilang mga lugar.

Ito’y bilang suporta na rin aniya sa pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Drug Enforcement Agency bilang pangunahing ahensyang mangunguna sa anti-drug war kapalit ng Philippine National Police.

Lahat ng 896 barangay sa Maynila ay mayroong ADAC ngunit kalahati dito’y ‘di na aktibo.

Target ng alkalde na maideklarang “drug-free” ang 50 porsyento ng mga barangay sa Maynila bago matapos ang taon. Sa kasalukuyan ay 24 barangaypa lang ang drug-free.

Samantala, sinabi ni Rolynne Javier, hepe ng Manila-Department of Interior and Local Government, na 400 na ADAC lang ang regular na nagsusumite kada buwan ng kanilang updated drug watchlist na ipinapadala naman nila sa PDEA.

Kung mananatiling ganito, isang malaking hamon aniya ang hangarin ng lokal na pamahalaan na maging drug-free ang lungsod sa 2019 kung kaya’t balak nilang magdaos ng mga seminar para palakasin ang ADAC.

Plano rin aniya nila na magbigay ng mga insentibo at parangal sa mga top-performing ADAC bilang panghikayat na magtrabaho pa lalo. (Ma. Isabel Billones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?