59

By

Drug den sa Tawi-Tawi sinalakay, 1 patay

Patay ang isang drug suspect matapos na manlaban, habang apat ang naaresto nang salakayin ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isa umanong ‘drug den’ sa Tawi-tawi nitong Nobyembre 20.

Kinilala ni PDEA Director General Aaron N. Aquino, ang napatay na suspek na si Odin Masihul Jalas, habang ang mga naaresto namang mga kasama nito ay sina Abdulnajar Isarail; Mujahid Jalas; Rhadzkhomar Lakibul, at Jack Magsaysay, na ikinukunsiderang mga ‘high value targets’ ng mga awtoridad.

Sa report, bandang alas-4:00 ng madaling-araw (November 20) ay nagsagawa ng ‘buy-bust’ ang pinagsanib na operatiba ng PDEA Regional Office IX sa pamumuno ni Director Edgar Jubay, Tawi-tawi Provincial Office, Marine Battalion Landing Team-6, at Sapa-Sapa Municipal Police Station sa Sitio Pahapatan, Barangay Baldatal Islam, Sapa-sapa, Tawi-Tawi.

Subalit sa gitna ng operasyon, ay nagkaroon ng palitan ng putok na baril ang magkabilang panig at napatay si Jalas habang agad namang nadakip ang mga nabanggit na kasama nito sa ‘drug den’.

Nasamsam sa lugar ang 13 plastic sachet ng shabu na may timbang na 50 grams at nagkakahalaga ng P340,000, isang M16 A1 rifle, grenade launcher, one plate carrier, bandolier, pitong long magazines ng M16A1, mga bala ng baril at buy-bust money.

Ang mga suspek ay nakapiit na ngayon sa PDEA at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 26 (Attempt/Conspiracy) in relation to Section 5 (Sale of Illegal Drugs), Section 6 (Maintenance of a Drug Den), Section 7 (Employees and Visitor of a Drug Den) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165, or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?