72

By

Drug den sa QC sinalakay, ‘tulak’ huli

Sharing is caring!

Bilang tugon matapos na ibalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police (PNP) ang war on drugs, isang hinihinalang drug den sa Barangay Culiat, Quezon City ang agad na sinalakay ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon ng madaling-araw, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang hinihinalang drug pusher, at pagkakasamsam ng mga baril, mga bala at may 30 plastic sachets ng hinihinalang shabu.

Sa pahayag ni QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, sa bisa ng search warrant ay ni-raid ng kanyang mga tauhan ang tahanan ng isang Derek Framil, sa No. 12 Saint Bernadette St., sa Villa Lourdes Subdivision sa Brgy. Culiat, dakong alas-12:45 ng madaling-araw.

Agad namang inaresto si Framil, na sinasabing kabilang sa watchlist ng QCPD dahil sa pag-iingat ng mga armas at pagkakasangkot sa aktibidad ng iligal na droga.

Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .45 pistola at isang kalibre .38 revolver, mga bala, at 27 plastic sachet ng shabu, na nagkakahalaga ng P100,000.

Inamin naman ni Framil na gumagamit siya ng iligal na droga, pero itinatanggi niya na sa kanya ang mga baril at shabu na nakuha ng mga pulis sa loob ng kanyang bahay.

“Ang alam ko diyan tawas ‘yan eh. Yun ang alam ko, kasi wala namang item dito, walang mga drugs dito,” giit ni Framil.

Si Framil ay kinasuhan ng mga kasong illegal possession of firearms and ammunition at illegal possession of illegal drugs. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?