By

Drug case ng PNP-CIDG vs Peter Lim, gumulong na

Sharing is caring!

Gumulong na ang unang araw ng preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng reklamong inihain ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa mga hinihinalang big time drug lord sa Visayas na sina Peter Lim, Peter Co at Kerwin Espinosa.

Ang pagdinig ay kasunod ng reinvestigation na iniutos ng Office of the Secretary of Justice makaraang ibasura ng unang panel of prosecutors ang reklamo ng PNP-CIDG dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.

Pinangangasiwaan ang reinvestigation ng panibagong panel of prosecutors sa pangunguna ni Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera.

Personal na dumalo sa pagdinig si Kerwin na gwardiyado pa ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI).

Hindi naman nakadalo si Lim na kinatawan naman ng kanyang abogado.

Present din sa pagdinig si Marcelo Adorco, dating tauhan ni Kerwin, na testigo ng PNP-CIDG.

Bukod sa mga myembro ng PNP-CIDG, dumalo rin sa pagdinig ang kinatawan mula sa Office of the Solicitor General na tatayo bilang lead counsel ng pulisya.

Sa pagdinig ay binigyan ng panel ang kampo ng PNP-CIDG ng hanggang April 17 para magsumite ng kumento sa mosyon ng kampo ni Lim na magdaos ang DOJ ng hiwalay na preliminary investigation para sa reklamo laban sa kanya.

Ang kampo naman ni Lim ay binigyan ng hanggang April 23 para magsumite ng tugon o reply sa isusumiteng kumento ng PNP-CIDG.

Binigyan naman ng panel ang PNP-CIDG ng hanggang April 30 para magsumite ng karagdagang ebidensya.

Itinakda ang susunod na pagdinig sa April 17, 2018.

Lumitaw din sa pagdinig na naghain ng motion for reconsideration ang kampo ni Lim sa March 19, 2018 order ni Dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre na nag-aatas na isantabi ang naunang resolusyon ng DOJ noong December 2018 na nagbabasura sa reklamo ng PNP-CIDG laban sa tatlong hinihinalang bigtime drug lord sa Visayas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?