43

Oct 17, 2017 @ 17:18

Drug cartel ang buwagin, ‘di pipitsuging adik – CBCP

Hinamon ng isang pari ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)  na sumampol ng mga drug cartel sa halip na mga pipitsuging drug addict lang.

Sinabi ni Fr. Jerome Secillano,executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) permanent committee on public affairs, na dapat ding magpalit ng istratehiya sa pagpapatupad ng giyera kontra iligal na droga ngayong wala na sa poder ng kapulisan ang pagresolba sa nasabing problema.

“PDEA should instead run after manufacturers, cartels or syndicates than merely prey on small-time pushers and poor addicts. It’s high time that they dismantle the suppliers instead of annihilating the users and pushers,” ayon sa pari.

Dagdag nito, mahalagang matutukan ng PDEA ang pagbuwag sa mga gumagawa, pagawaan at sindikato ng ilegal na droga dahil aa kabila ng pagkamatay ng mga hinihinalang adik at small time pushers ay laganap pa rin ang bentahan ng droga sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Samantala, ikinatuwa ni in-coming Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Vice president Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang resulta ng pinakahuling survey ng  Pulse Asia kung saan ay lumitaw na maraming Pinoy ang naniniwalang may papel ang simbahan sa kampanya ng administrasyon kontra droga.

Lumitaw na 58 percent ang nagsasabing dapat tumulong ang mga pinuno ng simbahan sa rehabilitasyon ng mga drug addicts, 46 percent ang nagsasabing dapat bantayan ng simbahan ang kampanya kontra droga at 40 percent naman ang nagsasabing dapat ikondena ang mga pagpaslang na kaakibat ng kampanya.

Sinabi ni David na patuloy na naninindigan ang simbahan na hindi tugon sa war on drugs ang pagpaslang sa halip ay ang pagtulong sa mga nalululong sa bisyo na magbago at maging kapaki-pakinabang sa lipunan. (Ma. Isabel Billones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?