4
jailed2
By

Droga pampusta sa cara y cruz, 2 kelot timbog

Sharing is caring!

Kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki na naglalaro ng cara y cruz matapos mabuking na ang kanilang pustahan ay droga nang maispatan ng mga nagpapatrolyang pulis sa Barangay Rosario, Pasig City.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director General Bernabe Balba, nakilala ang mga suspek na sina Jay-ar Bondocoy Jr. y Bajado, 34-anyos, therapist at Ramon De Guzman y Rivera, 29-anyos, construction worker, kapwa residente ng Pasig City.

Naaresto ang dalawa nang maispatan ng mga nagpapatrolyang pulis ng PCP 6 ang tumpukan ng ilang kalalakihan sa Ramos Compound sakop ng Barangay Rosario bandang alas-4:45, Huwebes ng hapon at nang lapitan ay agad na nagkalasan ang mga miron nito at nadakma ang dalawang naglalaro ng cara y cruz.

Nakumpiska mula sa dalawang suspek ang tatlong 25 sentimo na ginagamit bilang pangara at P60 bet money at nang kapkapan ay nakita mula sa kanilang mga bulsa ang dalawang piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Agad na dinampot ang dalawa at dinala sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling act at RA 9165 o illegal drugs act.

Samantala, tatlong lalaki naman ang inaresto ng mga tauhan ng Pasig Police Station 8 sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling na pagsusugal gamit ang dice sa kalsada, Huwebes ng gabi.

Nakilala ang mga suspek na sina Angelito Gatmaitan y Bartolome, 41-anyos, Christopher Pelagio y Janer, 26-anyos at Chiwan Sulano y Ollet, 45-anyos, helper, pawang mga residente ng Pasig City.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong dice at Php 215 betting money nang bulabugin sila bandang alas-9:30 ng gabi sa kahabaan ng Riverside Ilugin Phase 2, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Inaresto ang mga suspek matapos ireklamo ng kapitbahay ng pag-iingay ng mga kumpulan ng mga lalaki na nanonood ng dice na agad naming nagkalasan nang makita ang paparating na pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?