46

By

Driver niratrat ng riding-in-tandem sa Payatas

Sharing is caring!

Namatay noon din ang 39-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw

Kinilala ni P/Supt. Rossel Cejas, hepe ng Batasan Police Station 6, ang biktima na si Geffrey Hernandez, 39-anyos, driver at residente ng No. 23 Ilang-Ilang St., Brgy. Payatas, QC. Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong maraming tama ng bala ng baril sa katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Alvin Quisumbing, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap dakong alas-2:45 ng madaling-araw sa IBP Road corner Ilang-Ilang St., Brgy. Payatas ng nasabing lungsod.

Papauwi na umano ang biktima sakay ng motorsiklo na walang plaka nang biglang sumulpot ang dalawang kalalakihan na magka-angkas sa isang motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril ang una.

Nang masigurong patay na ang biktima ay agad na tumakas ang mga salarin patungo sa direksiyon ng Montalban, Rizal.

Nakasamsam ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pamumuno ni P/Sr. Insp. Joseph Infante ng mga basyo ng bala ng cal. 45 sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Ang bangkay ng biktima ay dinala sa PNP Crime Lab para maawtopsiya. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?