93

Oct 22, 2017 @ 13:50

Driver ng Aegis Juris frat member, pwedeng state witness

Iminungkahi ni Senador Juan Miguel Zubiri sa Department of Justice (DOJ) na hanapin at isailalim na sa protective custody ang family driver na naghatid sa ospital sa bangkay ng hazing victim na si Horatio “Atio” Castillo.

Tinutukoy ni Zubiri si Romeo Laboga, driver ni Ralph Trangia na myembro ng Aegis Juris fraternity.

Ayon kay Zubiri, sa lahat ng taong sangkot at may nalalaman sa nangyari kay Atio, si Laboga ang maituturing na least guilty dahil walang kinalaman sa hazing.

Sa executive session ng Senado, sinabi ni John Paul Solano, myembro rin ng fraternity, na si Laboga ang nagmaneho ng pulang Mitsubishi Strada na nagdala kay Castillo mula sa fraternity library sa Dapitan, Maynila hanggang sa Chinese General Hospital.

Ayon kay Solano, tsuper si Laboga ni Ralph Trangia, miyembro rin ng fraternity.  Hindi kabilang si Trangia sa mga sinabi ni Solano na dinatnan nya sa fraternity library nung umaga ng Setyembre 17 kung kailan niya nakita ang nakahandusay na si Castillo.

“Napakahalaga nung driver ng pick-up ni Trangia. I will suggest to the DOJ na i-locate ito at gawing state witness kasi siya ang least guilty.” pahayag ni Zubiri.

“Dapat icustody na sa witness protection program at sa susunod na senate hearing, imbitahin na iyan. Marami ang maite-testify kung siya nga ang driver,” dagdag ni Zubiri.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Antonio Trangia, ama ni Ralph, na kasama nya ang kanilang driver nung mga sandaling sinasabing inihatid nito si Castillo sa ospital. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?