155

Oct 23, 2017 @ 16:55

Driver naidlip, kagawad nalitson sa kotse

Nasunog nang buhay ang isang barangay kagawad nang mabigo itong makalabas sa nasusunog na sinasakyang kotse sa Pasay City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang nasawi na si Randy Bulusan Jr., ng Sta. Cruz, Maynila.

Samantala, apat pang sakay ng gray Nissan Cefiro (MHD-889) ang pawang isinugod sa Pasay City General Hospital na sina Dropel Morales, driver; Jovani Yvanez; Ricky Milan at Ron Ron Cainap.

Sinabi ni SPO3 Frandy Laygo, galing sa MOA ang mga biktima at binabagtas ang Diokno Boulevard nang makaidlip si Morales at sumalpok sila sa isang poste sa kanto ng Atang dela Rama Street.

“Nakausap ko ang driver at inamin niya na nakaidlip siya. Nabigla na lang silang lahat nang sumalpok sila sa kotse,” ani Laygo.

Isang Daniel Enriquez naman ang humila isa-isa sa apat na nabuhay na biktima at nailabas niya ang mga ito bago sumabog at tuluyang masunog ang sasakyan.

Nabatid na naipit ang pintuan ni Bulusan kaya’t hindi ito nakalabas ng nasusunog na kotse.

Sinabi ni Enriquez na amoy alak ang mga biktima. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?