72

Sep 28, 2019 @ 15:20
By

Driver na nagyabang na pulis, kalaboso

Asunto ang inabot ng isang driver matapos na magpakilalang pulis nang sitahin dahil sa pagmamaneho ng sasakyang coding, Biyernes ng umaga sa San Juan City.

Batay sa nakalap na report mula kay Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan City Police, nakilala ang suspek na si Leodegario Morales Jr., 46, residente ng Florville St., Delta Village, Tandang Sora, Quezon City.

Inaresto ang suspek bandang 10:30 ng umaga noong Biyernes sa police checkpoint sa Aurora Boulevard, Barangay Ermitanio.

Nilapitan nina PCpl. Robert Galliguez at PCpl. Alfred Magluyan ang suspek para sitahin sa minamanehong number coding na sasakyan na Toyota Furtuner pero agad na nagpakilala ang suspek na isang pulis sabay naglabas ng isang pekeng PNP ID.

Dinala ang suspek sa San Juan Police Station para berepikahin ang inilabas na ID at doon nalaman na peke ito at hindi pulis ang suspek.

Kasalukuyang nakakulong si Morales sa San Juan detention cell at nahaharap sa kasong usurpation of authority thru falsification of document.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?