By

Driver na iniwan ng ka-live-in, nagbigti

Sharing is caring!

Hindi na nakayanan ng isang driver ang pangungulila sa kinakasamang nang-iwan sa kanya kaya’t nagpasyang wakasan ang sariling buhay sa pamamagitan nang pagbibigti sa loob ng tahanan ng kanyang kaibigan sa Tondo, Manila kamakalawa ng hapon.

Ang pagpapatiwakal ng biktimang si Blas Ytang Jr., 41, at residente ng 1310 Area A, Gate 7, Parola Compound, sa Tondo, ay nadiskubre dakong alas 4:30 ng hapon.

Batay sa ulat mula sa tanggapan ni P/Supt. Jay Dimaandal, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, nabatid na nagulat na lamang si Edward Isla, 46, kaibigan ng biktima, at residente ng Building 32, Unit 36, sa Tondo nang makitang nakabigti sa loob ng kanyang tahanan ang biktima, gamit ang isang lubid.

Patay na ang biktima nang matagpuan kaya’t hindi na ito naisugod sa pagamutan at sa halip ay inireport na lamang sa mga awtoridad ang insidente.

Hindi pa naman malinaw kung bakit sa loob ng bahay ng kanyang kaibigan dumayong magpakamatay ang biktima.

Ayon naman kay Isla, matagal nang may problema sa pamilya ang biktima nang iwanan ito ng kanyang kinakasama, at posibleng hindi nito makayanan ang pangungulila.

Una na rin umanong nagtangkang magpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner ngunit nadala kaagad ito sa pagamutan kaya’t nailigtas.

Tumanggi naman na ang pamilya ng biktima na paimbestigahan pa ang pangyayari sa paniniwalang walang foul play na naganap dito. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?