18

Jan 11, 2022 @ 16:22
By

Driver, konduktor bigyan ng regular na sweldo – Lacson

Binigyang-diin ni Partido Reporma standard bearer Senador Panfilo Lacson na magandang hakbang ang regularisasyon sa mga driver at konduktor upang mapabuti ang kanilang kita na magbibigay ng magandang oportunidad sa kanilang pamilya, lalo na sa edukasyon ng kanilang anak at proteksyon din sa mga pasahero.

“Kasi ‘pag na-regularize, madaling ma-identify. Kasi again pagka-contractual, ‘di ba, nauso noong araw 10 ang lisensya ng driver? ‘Pag nahuli o kaya naaksidente tinatapon na lang ‘yung ano at mayroon na naman siyang [ibang] lisensya na gagamitin,” sabi ni ni lacson.

Kung magiging regular ang mga driver at konduktor ay tataas ang kanilang dignidad, ani Lacson.

“Kasi diyan ma-pro-professionalize [‘yung] mga driver [at] konduktor tapos medyo maganda ‘yung tingin nila, ‘yung dignidad nila aangat e, kasi regular employees na sila. Hindi na sila ‘yung parang, alam mo ‘yon, boundary system,” sambit pa nito.

Kapag naayos ang sistema sa pampublikong transportasyon, ayon kay Lacson, mas magkakaroon pa ng disiplina at madaling maparurusahan ang mga nakagawa ng paglabag sa batas trapiko man o iba pang maaaring maging reklamo ng mga pasahero.

“Pero kailangan lang talaga nasa wastong pag-aaral at saka [alamin] kung ilan ‘yung maaapektuhan [at] ilan ‘yung makikinabang,” saad pa ni Lacson.

Sa kanyang opisyal na Facebook page, ibinahagi rin ni Lacson ang larawan ng kanilang pamilya noong nasa Philippine Military Academy pa siya. Aniya, bumibiyahe mula Cavite hanggang Baguio ang kanyang mga magulang noon upang bisitahin siya sa kanilang campus.

“Halata bang hindi sanay sa camera si tatay? Ang layo ng tingin! Ang kabisado lang ata niyang titigan ay ang daan habang nagmamaneho siya ng jeep noon. Sa kanya ko siguro namana ang pagiging mailap sa camera,” sabi pa ng presidential candidate.

Inspirasyon ni Lacson ang kanyang ama sa pagsugpo ng krimen sa kalsada partikular ang kotong na sinugpo niya nang maupong hepe ng Philippine National Police. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit niya isinusulong ang mithiing ayusin ang gobyerno upang maayos ang buhay ng bawat Pilipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?