70

By

Driver huli sa pagyoyosi, buking pa sa patalim, droga

Sharing is caring!

Hindi nakalusot ang isang driver matapos sitahin sa paninigarilyo habang pumapasada ng pampasaherong jeepney at nang hanapan ng ID, droga at balisong ang nakita ng pulisya, kamakalawa ng hapon sa Marikina City.

Kulong ngayon sa Marikina detention cell ang jeepney driver na si Eder Bodesto y Sullano, 48-anyos, tubong Masbate at residente ng Avocado St., Riverside, Barangay San Antonio, San Mateo, Rizal.

Nahaharap sa patung-patong na kasong paglabag sa Omnibus Election Code, BP 6 at RA 9165 Sec. 11 matapos ang paglabag sa ordinansa na illegal possession of deadly weapon, anti-smoking ordinance at illegal drugs act.

Batay sa report, sinita ng ilang tauhan ng Marikina Police Community Precinct 9 ang suspek na si Bodesto na nakitang naninigarilyo sa loob ng kanyang pinapasadang jeepney na Marikina-Crossing bandang alas-kuwator ng hapon sa kahabaan ng T. Bugallon St., sakop ng Barangay Marikina Heights.

Sinita at pinababa ng jeep ang suspek at hinanapan ng lisensiya para tiketan ngunit sa pagdukot ng kanyang wallet ay isang maliit na sachet na naglalaman ng shabu ang nahulog kaya naalarma ang pulisya at inaresto na ito.

Kasama na sa patakaran ng pulisya ang kapkapan ang huhulihing suspek at dito nakapa ang isang balisong sa bulsa ng kanyang pantalon kaya agad na dinala ang suspek sa Marikina Police Station 6 para masampahan ng kaukulang kaso.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek habang inihahanda ang mga kaso laban sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?