103

Sep 7, 2021 @ 23:34
By

Drilon: Yaman ni ex-DBM exec Lao, lumobo ng P11M

Sa loob ng limang taon sa gobyerno, nadagdagan ng P11 milyon ang net worth ni dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao dahil sa negosyo at pagbenta ng ari-arian noong nagdaang taon.

Sa ikaapat na pagdinig ng Senate blue ribbon committee, inungkat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ni Lao.

Napansin ni Drilon na lumago ang net worth ni Lao sa P41 milyon noong 2020 mula sa dating P36 milyon noong 2019.

Kinumpirma naman ito ni Lao at sinabing bago pa man siya pumasok sa gobyerno noong 2016 ay P30 milyon na ang net worth nito.

Si Lao ay unang pumasok sa gobyerno bilang undersecretary sa ilalim ng Presidential Management Staff (PMS) noong 2016 bago lumipat sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) bilang chief executive officer at commissioner noong 2017.

Noong 2019, naging undersecretary ito ng Department of Budget and Management (DBM) at itinalaga bilang executive director ng Procurement Service-DBM noong Enero 2020.

Nagbitiw si Lao sa kanyang posisyon sa gobyerno noong Hunyo ng taong ito.

Sabi ni Lao, nakatanggap siya ng P100,000 buwang suweldo noon sa PMS at HLURB at P175,000 bilang opisyal ng PS-DBM

Nang tanungin ni Drilon kung bakit nadagdagan ng P5 milyon ang kanyang net worth noong 2020, pinaliwanag ni Lao na isa sa mga dahilan ay ang pagbenta nito ng 40 sa 140 lote nito sa memorial park na natanggap noon bilang bayad ng kanyang kliyente 15 taon na ang nakakaraan.

Bukod doon, nagbenta rin si Lao ng ilang pag-aari nito, kabilang ang golf course residence na nabili nito walo hanggang 12 taon na ang nakakaraan.

Idineklara rin ni Lao na may P15.78 milyon at US$100,138 cash assets o kabuuang P20 milyon noong 2020. Sabi niya, may dollar account na siya bago pa siya pumasok sa gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?