66
nicanor-faeldon
Jan 29, 2018 @ 17:04
By

Drilon, Sotto may mga illegal requests sa BOC – Faeldon

Inakusahan ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator Nicanor Faeldon sina Senate minority leader Franklin Drilon at Senate majority leader Tito Sotto ng paghirit sa kaniya ng “illegal requests” noong siya pa ang namumuno sa Bureau of Customs (BOC).

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa katiwalian sa Customs, sinabi ni Faeldon na pinapirma siya ni Drilon sa isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng BOC at ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ukol sa pagpapaayos ng gusali ng BOC sa Iloilo gamit ang pondo ng NHCP.

Gagawin daw kasing museum ang ground floor ng gusali at mapupunta ang BOC employees sa ikatlong palapag nito.

Hindi raw siya pumayag dahil mawawalan ng opisina ang mga empleyado ng BOC.

Nagrekomenda naman aniya si Sotto ng isang empleyado ng BOC na nagngangalang Eric Albano para maging “director for intelligence” ng BOC.

“Sabi ko ilan na nahuli n’yo? Sabi niya wala talaga akong alam. So muntik akong mahulog sa upuan ko. Eh 42 years na siya sa intelligence ng Customs,” ani Faeldon.

Sa pagtatanong ni Senador Bam Aquino sa gitna ng pagdinig kung may kinalaman ang mga request na iyon sa importasyon ng mga kalakal, sinabi ni Faeldon na wala pero katiwalian aniya ito dahil ito ang pinag-uugatan ng demoralisasyon ng mga empleyado ng BOC.

Ipinagtanggol naman agad ni Gordon sina Drilon at Sotto at nagbigay -diin na walang iligal sa mga inilapit ng dalawa kay Faeldon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?